BUHAY NG TAMBAY
“salaysay ng bansang kinagisnan”
Tingnan n’yo ang kasalukuyan
Pagmasdan ang ating bayan
Esterong puno ng kabahayan
At mga mamamayang batid ang kahirapan
Tingnan n’yo kami
Mga taong walang laban na patuloy na naaapi
Ang iba’y nagagawa ng magbigti
Dahil ang kahirapa’y sa sarili isinisisi
Tingnan n’yo ang buhay namin ngayon
Ikumpara n’yo sa buhay n’yong mala-Panginoon
Sa ngayon, bakit ganoon?
Pansing sa iba, na dapat sa amin nakatuon
Tingnan n’yo na lang ang inyong kababayan
Lunod na sa kahirapan na wala ng kaunlaran
‘Di hamak na ako’y mangmang na mamamayan
Na walang ginagawa pagka’t walang karapatan
Tingnan n’yo ako
Habang naglalakad ay nakatungo
Hindi na umaasa sa pagbabago
Pagka’t ang nais ay hindi n’yo gusto
Isang hamak na tambay, walang ginagawa sa buhay
Isang hamak na tambay, naghahangad ng tagumpay
Isang hamak na tambay, pag-asa’y walang humpay
Nakatira ako sa eskinita, sa tabi ay makikita
Talamak ang buwaya na ang pagkain ay pera
Hindi na nakonsyensya
Pagka’t pera’t kapangyarihan ay kanila na!
Ang Buhay ng Tambay…
Hindi porket tambay, walang kwenta
Hindi lahat ng tambay, lulon sa droga
Hindi porket tambay, masama na
Hindi lahat ng tambay, wala ng pag-asa
Ako’y nangarap noon ng magandang buhay
Nabigo pagka’t naging tambay
Patambay-tambay at pakaway-kaway
Sabi nila’y walang kwenta ang aming buhay
Hindi lang naman ako ang may kasalanan
Hindi ganito kung may karapatan
Hindi ko ginusto ang ganitong kabuhayan
Hindi ako bulag, hindi lang lumalaban
Tambay, walang mapagkakitaan
Hindi nakatapak sa sinasabing paaralan
Namulat sa kahirapan
Na dala ng masaklap na nakaraan
Libre nga daw mangarap
Ngunit ako’y sawi na sa aking pinangarap
Nakatingala’t tulala na lamang sa ulap
Umaasang sa hapuna’y may malasap
Tinitipid ang bawat naiipong pagkain
Nang sa umaga’y mayroon pang maihain
Mahirap, dahil ang kahirapa’y kailangang tiisin
Wala na akong iba pang mithiin
Kun’di ang masarap na buhay ay naisin
Sa panahon ngayon
Wala pa ring pagbabago
Tuwing eleksyon,
Maraming pangako na lagi naman napapako
Maraming dekada na raw ang dumaan
Simula ng makamit ang ating kalayaan
Ngunit ang masisikap na mamamayan
Hanggang ngayon ay daing pa rin ang kahirapan
Kaunlarang patuloy pa ring ipinapangako
Kahirapang sinasabing maaari pang maglaho
Kinurakot ng mga pulitiko ang patuloy na lumalago
Kapangyarihan pa rin nila ang ikinakatakot ko
Ako’y isang tambay lang
Sa bawat krimen ay nakatingin lang
Sa mayayaman ay alila lang
Ordinaryong tao “lang”
Ang mga tambay ay minamaliit
Kaginhawaan sa buhay ay ipinagkait
Ang mga tambay ay laging naiipit
Kami rin naman ay marunong maghinakit
Patuloy kong pinapaniwala
Ang sarili ko sa sinasabing pag-asa
Sana kahit papaano’y may tiwala pang natitira
Ang mga katulad kong nagmamakaawa na
Napapailing na lamang ako
Kapag nakikita ko ang kapwa ko
Nalulungkot pagka’t walang magawa
Dahil kahit ako’y suko na
Nakikita ko
Bawat kalagayan ng bansa
Nasa bawat kanto lang ako
Tambay na hindi napupuna
Natuto akong magsulat at bumasa
Habang nakatambay sa kalsada
Nabuo ko ang aking salaysay na tula
Dahil sa puso kong hindi nakakapagsalita
Sa maruming ilog na ito
Matatapos ang sanaysay ng tulang ito
Sa putok ng inagaw na baril na ito
Matatapos din ang paghihirap ng tambay na ito
Ang Buhay ng Tambay...
@xiennini
No comments:
Post a Comment