Wednesday, June 15, 2016

LIHAM

LIHAM
"Mensahe ng Katahimikan"

Nagmula ako sa isang sulok ng mundong ito
Hindi man lang alam kung saan patungo..

Putok ng baril!
Kabi-kabila ang gera at gulo
Paghinga man ay pigil
Ayaw ko ng makakita ng dugo

Nais ko sana ay maganda sa pandinig
Wala ng away na magsisimula
Mamumuo ang pag-ibig
Na kapag natupad ay kay saya

Dalangin kong makakita
Kapayapaan sa bawat isa
Nagtutulungan at puno ng pag-asa
Na talagang kay ganda

Pinaslang ng walang dahilan
Ginigipit pagka't mahirap lamang
Nakulong ng walang laban
Mamamatay na ay isa pa ring mangmang

Sana naging ibon
Para hindi lamang sa isip ay nakakalipad
Sa problema man o sama ng panahon
Makakarating kung saan gustong mapadpad

Bakit nga ba ako nandirito?
Pagod na ang mga paa ko..

Kaunting ulan ay baha ang ibinibigay
Ang bahagyang naipundar ay nawawala pa
Hindi pa nakontento, mayroon pang namamatay
Parang gusto ko na ring sumunod na

Nais ko sana masilayang muli
Ang mundong aking kinagisnan
Mundo kong hindi nagkukubli
Sa puot at kasarinlan

Dalangin kong madama
Ang pag-aaruga ng isang Ina
Masilayan ang mga ngiting kaaya-aya
At mayakap sa bisig niya

Hindi man lamang naranasang bumoto
Upang may masabi tuwing eleksyon
Walang awang inabuso
Pinagkaitan pa ng pagkakataon

Sana naging ibon
Para may kakayahang makalaya
Sa nakaraan man o ngayon
Makabuluhang buhay ay matatamasa

Ang liham ay para sa'yo...
@xiennini

Sunday, July 26, 2015

BUHAY NG TAMBAY

BUHAY NG TAMBAY
“salaysay ng bansang kinagisnan”

Tingnan n’yo ang kasalukuyan
Pagmasdan ang ating bayan
Esterong puno ng kabahayan
At mga mamamayang batid ang kahirapan

Tingnan n’yo kami
Mga taong walang laban na patuloy na naaapi
Ang iba’y nagagawa ng magbigti
Dahil ang kahirapa’y sa sarili isinisisi

Tingnan n’yo ang buhay namin ngayon
Ikumpara n’yo sa buhay n’yong mala-Panginoon
Sa ngayon, bakit ganoon?
Pansing sa iba, na dapat sa amin nakatuon



Tingnan n’yo na lang ang inyong kababayan
Lunod na sa kahirapan na wala ng kaunlaran
‘Di hamak na ako’y mangmang na mamamayan
Na walang ginagawa pagka’t walang karapatan



Tingnan n’yo ako
Habang naglalakad ay nakatungo
Hindi na umaasa sa pagbabago
Pagka’t ang nais ay hindi n’yo gusto



Isang hamak na tambay, walang ginagawa sa buhay
Isang hamak na tambay, naghahangad ng tagumpay
Isang hamak na tambay, pag-asa’y walang humpay



Nakatira ako sa eskinita, sa tabi ay makikita
Talamak ang buwaya na ang pagkain ay pera
Hindi na nakonsyensya
Pagka’t pera’t kapangyarihan ay kanila na!



Ang Buhay ng Tambay…



Hindi porket tambay, walang kwenta
Hindi lahat ng tambay, lulon sa droga
Hindi porket tambay, masama na
Hindi lahat ng tambay, wala ng pag-asa



Ako’y nangarap noon ng magandang buhay
Nabigo pagka’t naging tambay
Patambay-tambay at pakaway-kaway
Sabi nila’y walang kwenta ang aming buhay



Hindi lang naman ako ang may kasalanan
Hindi ganito kung may karapatan
Hindi ko ginusto ang ganitong kabuhayan
Hindi ako bulag, hindi lang lumalaban



Tambay, walang mapagkakitaan
Hindi nakatapak sa sinasabing paaralan
Namulat sa kahirapan
Na dala ng masaklap na nakaraan



Libre nga daw mangarap
Ngunit ako’y sawi na sa aking pinangarap
Nakatingala’t tulala na lamang sa ulap
Umaasang sa hapuna’y may malasap



Tinitipid ang bawat naiipong pagkain
Nang sa umaga’y mayroon pang maihain
Mahirap, dahil ang kahirapa’y kailangang tiisin
Wala na akong iba pang mithiin
Kun’di ang masarap na buhay ay naisin



Sa panahon ngayon
Wala pa ring pagbabago
Tuwing eleksyon,
Maraming pangako na lagi naman napapako



Maraming dekada na raw ang dumaan
Simula ng makamit ang ating kalayaan
Ngunit ang masisikap na mamamayan
Hanggang ngayon ay daing pa rin ang kahirapan



Kaunlarang patuloy pa ring ipinapangako
Kahirapang sinasabing maaari pang maglaho
Kinurakot ng mga pulitiko ang patuloy na lumalago
Kapangyarihan pa rin nila ang ikinakatakot ko



Ako’y isang tambay lang
Sa bawat krimen ay nakatingin lang
Sa mayayaman ay alila lang
Ordinaryong tao “lang”



Ang mga tambay ay minamaliit
Kaginhawaan sa buhay ay ipinagkait
Ang mga tambay ay laging naiipit
Kami rin naman ay marunong maghinakit



Patuloy kong pinapaniwala
Ang sarili ko sa sinasabing pag-asa
Sana kahit papaano’y may tiwala pang natitira
Ang mga katulad kong nagmamakaawa na



Napapailing na lamang ako
Kapag nakikita ko ang kapwa ko
Nalulungkot pagka’t walang magawa
Dahil kahit ako’y suko na



Nakikita ko
Bawat kalagayan ng bansa
Nasa bawat kanto lang ako
Tambay na hindi napupuna



Natuto akong magsulat at bumasa
Habang nakatambay sa kalsada
Nabuo ko ang aking salaysay na tula
Dahil sa puso kong hindi nakakapagsalita



Sa maruming ilog na ito
Matatapos ang sanaysay ng tulang ito
Sa putok ng inagaw na baril na ito
Matatapos din ang paghihirap ng tambay na ito


Ang Buhay ng Tambay...
@xiennini

Unang Kwento...

Unang Kwento...

Hindi ako isang ganap na makata, ngunit naniniwala akong maari akong magsulat. Hindi man perpekto ang aking gramatika, kahit sino man sa atin ay maaring makalikha ng ating nanaisin...

Isinilang ako sa isang bansang hindi ko gaanong kilala ang kultura. Lumaki ako sa isang bayan na may iba't ibang nakasanayan at paniniwala. Namulat ako sa mga kaugaliang unti-unti ng nawawala...

Kinabukasan: kaakibat ng nakaraan. Mayroon pa nga bang nagpapahalaga sa nakaraan, o sadyang abala na sila sa paghahanda para sa kinabukasan? Kung titingnan natin ang malikhaing nakaraan, tila napakalayo na sa kasalukuyan. Hindi ko na nasilayan ang sinasabi sa mga aklat na magandang kultura at tradisyon ng aking bansang sinilangan. Inaasam ko itong makita, ngunit, unti-unti ng nawawala.

Pambansang Awitin: Lupang Hinirang. Ngunit sa makabagong panahon, hindi na imposibleng mas alam pa ng kabataan (kahit siguro ilang miyembro ng gobyerno) ang pambansang awitin ng Estados Unidos. Sa pag-awit nito na tila ikinakahiya pa ng ilan, hindi mo na rin maririnig ang marilag na pagbigkas ng mga linya. Pero kung makabirit naman ng mga kantang banyaga, dinaig pa ang Dyosa! "Bayang Magiliw. Handa. Awit!" 

Pambansang Kasuotan: Baro't Saya. Mukha na raw t*nga kapag nagsuot ka nito. Bakit, nasubukan mo na ba? Mamahalin daw ang ganitong kasuotan. Bakit nga ba? Hindi naman ito gawa sa ginto. Marahil iilan na lamang ang gumagawa ng ganitong kasuotan kaya mahal. Kaaya-ayang tingnan kung tuwing may pagpupulong sa senado ay nakasuot nito. Hindi yung mga makukulay na hugis lobo. Hindi ba iyon ang mas mukhang t*nga? "SONA"

Pambansang Sayaw: Karinyosa o Tinikling. Sabi ng ilan, Karinyosa raw ang pambansang sayaw bago naging Tinikling. Sino pa bang may pakialam sa dalawa? Kapag hindi ka raw marunong mag 'Twerk' hindi ka raw magaling magsayaw. Bakit sa mga talent show, kapag ganito ang ipinakita mo ay tamang palakpak lang? Pero kapag may pagsirko sa ere ang ipinagilas, nagsisitayuan at manghang-mangha. Hindi na ako magugulat kung sa susunod na taon ay may samu't saring "Sampol! Sampol!"

Pambansang Bayani: Gat. Jose P. Rizal. Marahil marami pa rin ang nakakaalala sa kanya (dahil nasa barya ang mukha nya). Ngunit kahit itaya ko pa ang sarili ko, maraming estudyante ang nagrereklamo kung bakit may asignaturang 'Rizal' sa kolehiyo. Siguro dahil ignorante ka't hindi mo alam na mayroon tayong R.A.1425 (maiksi lang, basahin mo!). Iilan na lamang ang interesadong malaman kung bakit nga ba siya ang ating pambansang bayani at hindi si Andres Bonifacio, ngunit ibang usapin na iyan. Maraming mapupulot na aral sa buhay niya, na sana'y maging inspirasyon sa kabataan. "Consummatum Est!"

Marami pang pambansang simbolo ang aking hindi naiihayag. Kaya tara, kwentuhan tayo sa Luneta, maganda ang tanawin doon!
@xiennini